LATEST NEWS


PNP MAARING BUMUO NG TASK FORCE LABAN SA MOTORCYCLE CRIMINALS, GUN FOR HIRE GROUPS



Kinukonsidera ng Philippine National Police (PNP) ang pagbuo ng Task Force na tututok sa motorcycle criminals at gun for hire groups.

Ito ay kasunod ng serye ng mga patayan na kinasasangkutan ng mga suspek na nakamotorsiklo.

Ayon kay PNP Spokesperson Chief Supt. John Bulalacao, aminado siyang may mga pagkakataon na hindi naman talaga agad nahuhuli ang mga motorcycle criminals kaya isa ngayon sa mga tinitignan nila ang mas epektibong paraan para labanan ang mga ito.

Pero pagtitiyak ni Bulalacao, may mga ginagawa naman na hakbang ang PNP hinggil dito.

Partikular nyang tinukoy ang Enhanced Managing Police Operations na strategy na sinusunod ng PNP na nakatuon sa mga krimen, paglalatag ng mas maraming mga checkpoints, at pagsasagawa ng iba't ibang Oplan.

Samantala, sinabi naman ni Bulalacao na kumpiyansa naman siya sa mga provincial at regional directors na hindi sila kailangang susian pa para aksyunan ang mga patayan.