LATEST NEWS


DILG NAGBIGAY NG 3 LINGGO SA MGA BAGONG KAPITAN NA MAGSUMITE NG BADAC



Oobligahin ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga bagong upong Baranggay Chairman na magsumite ng kanilang Barangay Anti-Drug Abuse Council o BADAC sa loob ng tatlong linggo.

Ayon kay DILG Undersercretary for Baranggay Affairs Martin Diño, imumungkahi nya kay DILG Sec. Eduardo Ano na sa pagkaupo ng mga bagong halal na Barangay Chairman sa Hulyo ay bigyan ang mga ito ng taning sa pagsusumite ng BADAC.

Sakop nito ang lahat ng mga Barangay sa iba’t ibang panig ng bansa, maliban na lamang sa Marawi at iba pang war stricken areas na wala pang mga naitatalagang Kapitan.

Paliwanag nito, trabaho ng mga kapitan sa ilalim ng batas ang pagkakaroon ng BADAC, sa pamamagitan kasi nito ay nagkakaroon ng aktibong partisipasyon ang barangay sa pagsugpo ng iligal na droga.

Matatandaan na bago lamang mag-halalan, nasa 41,354 mula sa 42,036 na mga Barangay ang nag-sumite ng BADAC pero nire-review pa ng DILG ang mahigit 600 sa mga ito kung functional nga ba o hindi.

Dagdag pa ni Diño, sakaling mabigo sa pagsusumite ng BADAC, ay nararapat lamang na kasuhan ang mga opisyal ng dereliction of duty o pagpapabaya sa tungkulin.